𝗣𝗨𝗑𝗒 𝗦𝗔 π—žπ—”π—§π—ͺπ—œπ—₯𝗔𝗑, π—žπ—”π—£π—’π—¦ 𝗦𝗔 π—£π—”π—‘π—”π—‘π—”π—šπ—¨π—§π—”π—‘

Editoryal

Maririnig ang lagapak ng mga punong matagal nang nakatindig upang magbigay ng lilim at ginhawa sa tabi ng mga kalsada. Sa bawat dagundong ng makina, isa na namang bahagi ng kalikasan ang nawawala. Mula sa mga obserbasyon sa ilang bahagi ng General Mariano Alvarez (GMA), Cavite, kapansin-pansin ang pagputol ng mga puno nitong mga nakaraang linggo sa ilalim ng bagong administrasyon. Subalit higit sa pagkawala ng mga ito, nararapat ding putulin ang isang nakasanayang kalakaran: ang pagdedesisyon nang hindi sapat ang paliwanag, pagsusuri, at pananagutan.

Alinsunod sa DENR Forest Management Bureau, pinahihintulutan ang tree cutting sa urban areas sa mga partikular na pagkakataon gaya ng mga punong may depekto o nagdudulot ng panganib sa buhay at ari-arian. Samantala, para sa mga punong maaari pang mailipat, kinikilala ang earth-balling bilang paraan ng relocation. Sa kabila nito, tila hindi naisasagawa sa ating bayan ang mga paraang makapagliligtas sa mga puno tulad ng earth-balling. Kasabay pa nito, naiiwan ang mga sanga, troso, at iba pang kalat sa kalsada. Kung kaligtasan ang dahilan ng operasyon, dapat kasing-agap ang paglilinis sa mga naiiwang sagabal. Hindi sapat na alisin ang isang panganib kung may panibagong panganib namang umuusbong sa daan.

Maaaring sabihin ng ilan na kailangan ang pagputol ng mga puno para sa kaligtasan at pag-unlad. Ngunit kung walang matibay na katwiran at dahilan, laging may balik na paniningil mula sa kalikasan, pati na rin sa publikong nanghihingi ng malinaw na kasagutan. Kapos ang kapangyarihan kung sa bilis ng pagpapasya lamang ang sukatan nito.

Sa kabilang banda, sa inilabas na pahayag ng pamunuan ng GMA sa opisyal na pahina ng Public Information Office, iginiit na ang pagputol ng mga puno ay bahagi ng mga hakbang para sa kaayusan ng kalsada at kaligtasan ng mga residente. Kalakip nito, sinabi ring may pahintulot ang naturang gawain mula sa DENR. Gayunpaman, hindi maikakaila ang lawak ng pagputol na patuloy na nag-iiwan sa bayan ng mga punong unti-unting nawawala sa bawat araw. Katulad na lamang ng pagputol sa mga punong nasa gilid ng mga paaralan, na bukod sa nakaaantala sa oras ng klase dahil sa ingay ng operasyon, ay nakababawas din sa pokus ng mga mag-aaral. Kasabay ng pagkawala ng mga puno ang pagkawala ng lilim at hanging nakatutulong sana upang maibsan ang matinding init, lalo na sa mga paaralang wala rin namang maayos na bentilasyon.

Higit pa sa lawak ng operasyon, hindi rin dapat palampasin ang tanong kung saan napupunta ang mga kahoy matapos ang pagputol. May nakatalang volume para sa mga punong isinama, kaya dapat ding maitala kung ilan ang aktuwal na naputol, gaano karaming kahoy ang nakuha, at kung saan ito dinadala. Lalo itong mahalaga sa mga punong gaya ng narra at mahogany na may mataas na halaga. Sa pamamagitan nito, masusubaybayan ang mga kahoy at matitiyak na hindi ginagamit para sa pansariling pakinabang ng mga sangkot.

Kaugnay nito, malinaw na dapat ding tingnan kung sapat ang mga dahilang ibinigay para sa pagputol ng 59 na puno. Kabilang sa binanggit ang tatlong metrong layo mula sa mga poste ng kuryente. Subalit, malinaw na poste ang tinutukoy at hindi mismong powerline, kaya hindi sigurado kung lahat ng 59 na puno ay talagang nasa ganitong distansya. Kung mga poste ang kailangang bigyang-daan, hindi agad nangangahulugang mga puno ang dapat isakripisyo. Kailangang makipag-ugnayan sa utility provider upang mailipat, maiayos, o maitayo ang mga poste at maiwasan ang hindi kinakailangang pagputol. Talaga namang mas mainam na isagawa ito kaysa maghintay ng ilang dekada para muling lumaki ang mga puno.

Higit na mahalaga, nararapat ding bigyang-pansin ang mga aksiyon ng DENR tulad ng pagbibigay ng kaliwa’t kanang pahintulot sa pagputol ng mga puno sa iba’t ibang lugar. Kung tutuusin, mas lumilitaw na nakatuon ang kanilang mga hakbang sa pagpapaunlad ng imprastraktura at industriyalisasyon kaysa sa pangangalaga sa mga punong unti-unting nawawala.

Hindi rin natatangi sa GMA ang ganitong suliranin. Ayon sa ulat ng Philippine News Agency (PNA) noong Mayo 2026, naitala na may mga punong sinuri at isinailalim sa proseso ng cutting at relocation para sa Southern Access Link Expressway (SALEX) project sa Maynila. Bagamat bahagi ito ng isang malakihang proyektong pang-imprastraktura, hindi dapat maging sapat na katuwiran ang laki ng proyekto upang maging pangalawa na lamang ang kalikasan. Kapag mga punong matagal nang nakatindig ang kailangang mawala para sa isang proyekto, nararapat lamang itanong kung nasuri ba ng mga kinauukulan ang lahat ng posibleng alternatibo at kung nasunod ang wastong proseso.

Dahil dito, hindi sapat na sabihin na bahagi ng kaayusan at pagpapaunlad ang pagputol ng mga puno. Dapat kayang patunayan ng mga kinauukulan na ang aktuwal na operasyon ay tumugma sa mga dahilang inilatag bago ito isinagawa. Ilan nga ba sa mga punong tinukoy ang tunay na naputol, at ano ang naging batayan sa bawat isa? Kung may mga kahoy na nakuha mula rito, saan dinala at paano ito pinamahalaan? At kung ang layunin ay kaayusan, bakit naiwan ang mga sanga, troso, at iba pang sagabal sa kalsada matapos ang operasyon? Sa harap ng mga ganitong usapin, hindi lamang paliwanag ang hinihingi ng publiko kundi malinaw na tala at ebidensiyang makapagpapatunay na maayos, wasto, at responsable ang naging pagpapatupad.

Mula sa mga usaping ito, sa halip na gawing karaniwan ang pagputol, dapat gawing regular at sistematiko ang tree assessment bago ang bawat proyekto. Isa pa, kailangang mahigpit na ipatupad ang permit requirements at umiiral na ordinansa upang matiyak na ang bawat pagputol ay may sapat na batayan at dumaraan sa wastong proseso. Marapat ding maging bukas sa publiko ang mahahalagang dokumento at resulta ng assessment upang malinaw na masuri ang bawat desisyon.

Para naman sa mga punong hindi na maiiwasang alisin, tiyakin ang replacement planting sa mga angkop na lugar at regular na monitoring sa mga ito. Kailangang may malinaw na tala ng mga punong naapektuhan, mga hakbang na isinagawa, at mga responsableng tanggapan upang matiyak na may pananagutan. Sa ganitong paraan, ang bawat proyektong pangkaunlaran ay may kaakibat na konkretong pananagutan sa kalikasan at komunidad.

Samakatuwid, maaaring putulin ang isang puno sa loob lamang ng ilang minuto, ngunit hindi ganoon kabilis mapapalitan ang mga taong ginugol nito upang lumago. Kung puno sa katwiran, hindi dapat kapos sa pananagutan, sapagkat hindi maitatayo ang kinabukasan sa ibabaw ng wasak na kalikasan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *