HIGH-SPEED CRASH!
PLDT, Sinagasaan ng Lumilipad na Choco Mucho!
PASAY CITY- Muling nag alab ang puso ng Choco Mucho Flying Titans matapos nilang tuluyang patalsikin ang PLDT High Speed Hitters sa isang makapigil hiningang four-set thriller, 25-22, 25-23, 13-25, 25-23, upang masikwat ang ikatlong tiket patungong semifinals ng 2026 PVL All-Filipino Conference nitong Huwebes, Nobyembre 19, sa SM Mall of Asia Arena.
Sa harap ng dumadagundong na suporta ng kanilang fans, nagpakita ng tibay ng loob ang Flying Titans sa mga krusyal na yugto ng laban upang makabalik sa Final four matapos mabigong makapasok nooong 2025.
Binuhat ni team captain Sisi Rondina-Rosales ang opensa at depensa ng Choco Mucho mmatapos kumamada ng 21-puntos, isang puntos na lang ang kulang sa kanyang conference high na naging susi para tanghalin siyang Player of the Game.
Sa bawat pagkakataong nagbabanta ang PLDT na agawin ang momentum, laging naroon si Rondina upang magbigay ng krusyal na puntos at siguraduhing hindi bibigay ang kanyang koponan sa ilalim ng matinding pressure.
Hindi rin nagpahuli si Eya Laure, na kahit iniinda ang pananakit ng likod ay nagsilbing matalas na “closer” ng koponan.
Siya ang naghulog ng back-to-back points para sa isang dikitang second set matapos makahabol ang PLDT mula sa 10-puntos na pagkakalubog.
Muli siyang umarangkada sa dulo ng fourth set nang tumapos ng tatlong sunod na krusyal na puntos upang selyuhan ang panalo at magtapos na may 10 puntos.
Sa panig ng PLDT, nauwi sa wala ang makasaysayang pagputok ni Savi Davison na nagtala ng panibagong conference-high na 30 puntos.
Nagawa pang makasagot ng High Speed Hitters sa third set (25-18) sa tulong nina Mika Reyes, Dell Palomata, at Jovi Prado, at nakasagip pa ng dalawang match points sa fourth set , ngunit hindi na nila napigilan ang huling atake ni Laure na tuluyang nagwakas sa kanilang kampanya.
Sa pagpasok ng Choco Mucho sa semifinals, sinamahan na nila NXELD Chameleons at Farm Fresh Foxies, na parehong may hawak na twice-to-beat advantage.
Isa na lamang ang natitirang upuan sa Final Four, kung saan nakabitin pa ang kapalaran ng Creamline Cool Smashers na sasabak sa isang krusyal na laban kontra sa nangungunang Farm Fresh ngayong Sabado.
